Anong unang naiisip niyo pag naririnig ang salitang “yelo,” o “ice”?
Kung “yelo,” siguro ano, mga dilawan, si kori akino, si kris akino, si panoynoy, mga ayaw sa puong presidente, si mar ‘mr. palengke’ hasyendero.
Kung “ice,” ice ice bebe; ice tubig after nang pawisang laro ng basketbol sa kanto ng kalsada; ice candy na pwedeng tang grapes flavor, o tang mango, o eight o’clock pomelo flavor; ice pick na mahirap gawing pang-tutpik pero madaling gamiting pansaksak sa matang nanlilisik.
Nadaan akong ministop kanina, bibili lang sana ng chewing gum nang makita ko ang ref na punumpuno ng yelo. Naalala kong nanlalagkit ako at mga kabahay ko kahapon, alas-dos impunto ng tanghaling tapat sa Maynila, Oktubre, “ber” months na pero napag-iwanan ng jose mari chan at mariah carey songs ang pampasko raw na simoy ng hangin. Di na ako bumiling chewing gum, bazooka, kilo-kilong yelo na lang saka de-paketeng juice na powder, orange flavor, for old taym’s seyk.
Pauwi na ako at bitbit ang yelong unti-unting natutunaw sa papatinding sikat ng araw. Lampas alas-nuwebe pa lang kaya di pa ‘to tirik na tirik pero ganun pa rin, mainit at parang gusto ko munang huminto at ipunas sa mukha ko tong tipak ng yelo.
Hindi maaari. Binili ko ang yelo para sa pampalamig na tang orange juice mamayang tanghali, kabilugan ng araw. Pero mabilis din ang pagtagaktak ng pawis ko at ng natutunaw na yelo. Likido likido likdio, patak patak patak sa sementong kalsadang init na init na rin. Proseso ng ebaporasyon na naalala kong tinuro sa amin ni Mam Danislao nung grade payb.
Naalala ko rin ang isang misteryo dati sa munting librong Pinoy Puzzles and Riddles, Mysteries Solb! May isang lalaki raw na natagpuang walang buhay sa isang kwarto na walang laman kundi buhol ng lubid na madalas ginagamit ng mga nagpapatiwakal. Ang palaisipan sa mga imbestigador: malabong nagpakamatay ang lalaki dahil wala naman siyang maaaring natuntungan para ipasok ang mukha niya sa lubid. Baka raw kyureysyon lang ito ng murderer para pagmukhaing suicide ang nangyari. Ang isa pang clue: may nagkalat na likido kung saan nakahandusay ang patay na katawan. Naihi kaya ang lalaki? Pero hindi amoy-panghi ang likido.
Alam niyo kung nasaan ang susing clue sa kasong ito? Wala sa pahina ng Pinoy Puzzles and Riddles, Mysteries Solb! Wala doon kundi nasa kamay ko ngayon: yelong natutunaw, matutunaw at matutunaw basta wala ka sa Siberia o kung saan mang bumubuga rin ng yelo ang mga tao.
Napaisip din ako doon ha: kung pwedeng gamitin ang yelo sa pagpapatiwakal, bakit hindi sa pagkitil ng buhay? Literal na mawawala ang murder weapon. Hindi ba? Pero bakit ba ko napunta dito at wala naman akong balak pumatay. Kayganda ng buhay, ansarap ‘di wakasan: nadaan ka lang kumbinyens store para bumili ng chewing gum, napabili kang yelo at napamuni tungkol sa ebaporasyon at kawalang-buhay.
Mukha na akong naihi sa salawal. Etong init ngayon sa Kamaynilaan, sapul ang minsang naririnig na sabi-sabing “basa hanggang singit.” Patungkol sa pawis ha, hindi kung anumang iba pang likido. Sa kaso ko nga lang ngayon, naghalong pawis sa singit, at tumulong natunaw na yelo sa shorts ko. Hay buhay, basang