Yakang-takang tumula: rebyu ng Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan

I.E.

“more bravado than anything else,” kapangahasan lang, ng pananalita, ng mga pahayag, husga ni Resil Mojares sa sinabi ni Bien Lumbera noong 1968, “We are today witnessing our last generation of writers in English.” O ang sinabi ni Rizal tungkol sa mga “stupid and incompetent men who submit to everything, who endure all the caprices and exactions of the curates and of the authorities.” “Exaggerated for political effect, sa palagay ni Fast at Richardson: pahayag tungkol sa mga Indio na tumangan ng mga posisyon sa munisipyo nang magsimulang mawalan ng gana ang mga naunang principalia dahil sa tumitinding burukrasya ng Kastila-Katolikong hirarkiya.

Kapangahasan na lang din kung babansagan ang Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan bilang kung anumangng una, o katangi-tanging ganito ganyan—the same way na pina-fancy ko minsang tawaging “first call center novel” ang The Quiet Ones ni Glenn Diaz; at baka kapabayaan na kung ikabit pa ang bansag sa lohikang dinidikit masyado ang kakayahan sa katawan.

Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan, unang poetry collection mula sa isang may mild hydrocephalus.

May obsession yata ang writing community sa “boses,” at least base sa workshops na nadaluhan ko. Kundiman sa palasak na ideya ng romantic author galing, sa kadikit pa rin nitong ideya na pagsulat bilang self-important at slightly messiahnic na aktibismo, hal., pagbibigay-boses sa mga walang boses, sa mga inaapi. Sa umpisa ng “Bukambibig,” Hindi ako masalita/gayong laging may nais/sabihin. (3) “Ang Mga Tao”… nais lamang nilang/magtawid ng mensahe. May pihit ng yabang—Parang tanga/ang mga putangina./Mas matalino pa ako sa kanila. /--na babawiin din naman, nasa akin ang bagahe/ng pag-unawa./Nais lamang nilang/magtawid ng mensahe (30). Tungkol sa pagsulat, ayaw kong tanggaping ito lamang/ang kaya kong gawin./Dahil hanggang sa sirang katawan/tumatagos ang yabang/ng uring pinagmulan (23).

Batbat ng kontradiksyon ang mga tula—tulad ng lahat ng bagay, mas litaw lang dito— Hindi niya matanggap/ang kaniyang katawan./Hindi niya matanggap/na gusto niyang tanggapin./ (27). At maski ang pagtula na tangkang porma sana upang iresolba ang mga kontradiskyon— Narito ang damdaming/hindi mailahad nang hayag/ (36), Sa katawan ng tula/hindi pumipitlag ang mga ugat / (37)—ay pinuputakti rin ng tensyon.

Boses na subsob sa karanasan—pakikinig sa milagro sa TV, pagtindig na ‘di uupo sa tren, paghawak sa sarili sa banyo—umaahon upang magnilay, mag-angas, makabuo ng pang-unawa. “Panas” ang salitang-ugat ng “kapansanan,” dikit sa beri-beri, pamamanas. May pansamantalang inaapuhap, sansaglit na hinahagilap ang Sa Ibang Katawan, Ang kapansanan/ ay bahagi ko lamang./Hindi ang aking kabuuan./ Hindi lubos na mararamdaman ang pagkasilong sa mga inakda; sa pag-aakda humahanap ng masisilungan.

<~~