Hindi ‘Nay, Hindi Ako Magtatagumpay sa Buhay

Salin ni LM mula sa Pranses. Mula sa Lundi Matin.

Hindi ‘Nay, hindi ako magtatagumpay sa buhay.

Hindi ako nakibaka sa hayskul upang balewalain ang karahasan sa loob ng eskuwelahan, ang masisikip na mga klasrum, ang pakiramdam kong ako’y hindi bahagi ng mundo. Hindi ako nakibaka para humingi ng patunay sa ibang tao sa pamantayang ako mismo ay hindi ko gagap. Hinayaan ko ang aking sariling magpatianod sa mga pulong, pagkakaibigan, mga grupong magkakakilanlan. Hindi na rin kataka-taka, hindi ko napasa ang aking baccalauraeate. Alam ko na ito bago pa man magsimula ang mga pagsusulit, at hindi para sa akin nung nagsinungaling ako nung nag-usap tayo sa telepono, “upang paalalahanan ang sarili,” dahil alam ko na sa panahong iyon na hindi ko na bubusisiin ang aking buhay sa ilalim ng ilaw ng tagumpay, sa iyo ako nagsinungaling, pasadya, upang paalalahanan ka tungkol sa buhay na iyong iniluwal.

Hindi ‘Nay, hindi ako magtatagumpay sa buhay.

Hindi rin ako nakibaka sa conversatory upang igpawan ang pagkabahala na sa akin ay bumabalot tuwing ako’y aakyat sa entablado, tuwing ako’y sinasabihan na ako ay may POTENSIYAL. Kay laking salita, nakasasakal, nakakikilabot na salita ito, POTENSIYAL. Hindi ako umakyat sa entablado sa loob ng dalawang taon. Ako’y muling nag-isa. Nang sa wakas ay nagkaroon ako ng tiwala sa aking paglikha, sa aking pagmamahal sa teatro na hindi gumuho sa kabila ng paulit-ulit na pagliban sa klase, ang Makinang binubuo ng mga ulo, kamay, mga papel na kailangang pirmahan at mga tungkuling kailangang gampanan, ang Makina ng Tagumpay, ay itinuro na sa akin ang pintuan palabas. Huli na ang lahat, kinakailangang napag-isipan mo na ito bago ka pa matutong matakot, bago pa maramdamang masyado kang maliit para sa mundo, kinakailangang makipagpaligsahan, gapiin ang iba, ngunit higit sa lahat, gapiin ang sarili sa anumang paraan upang makaabante. Ngunit sa halip ako’y madalás na lumalabas upang makipagkita sa iba at sa ang aking sarili, malayo sa nakakabinging ingay ng Makina ng Tagumpay, minsan ay sobrang saya ko sa lilim ng isang puno na sa kalaunan ay mapapalitan ng isang paliparan nang mapagtanto kong ang mga malayong ingay na ito ay hindi ko na dapat pansinin, na hindi na dapat pansinin ninuman.

Hindi ‘Nay, hindi ako magtatagumpay sa buhay.

Hindi pa rin ako nakikipagpaligsahan ngayon, sa panahon ng mga start-up. Ayokong magtagumpay, o maghanap-buhay. Itong buhay na ito, nais ko itong mawala, maligaw, masunog, nais kong ipamudmod saan man ito mapadpad. Gusto kong mabuhay, ayokong magtagumpay.

‘Mabuhay’, Nanay, ang ibig sabihin rin nito ay lumaban. At para sa iyo rin kaya nais kong lumaban. Para sa iyo, na hindi sinulsulan ang iyong mga amo ngunit kinailangang indahin ang pasakit. Para sa iyo, na nagtiis nang mas matagal pa sa kinaya kong tagalan. Para sa iyo, nawa’y ang dahas ng estado ay masukol at mahusgahan sa sarili nitong kabaluktutan. Para sa iyo, sa huli, na ang mga sariling ina’t ama at laksa-laksang kapatid, ay sinisi ang sarili dahil hindi sila nagtagumpay sa buhay.

<~~